Pinagkalooban ng Food Cart Business Kit ng lokal na pamahalaan ng Kawit ang 45 benepisyaryo na sumali sa Sustainable Livelihood Program ng kanilang bayan.
Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Municipal Welfare and Development (MSWD), pinangunahan ni Mayor Angelo Aguinaldo ang pagbibigay ng nasabing food carts sa Tanggulan Arena.
Sa Facebook post ng alkalde, sinabi niya na nilalayon umano ng programang ito na matulungan ang mga Kawiteno sa gitna ng pandemya.
“Patuloy po tayong nakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya tulad ng DSWD tungo sa ating layuning sama-samang makabawi at maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Kawiteño.” ani ni Aguinaldo.
Kasama sa paggawad ng mga food carts sina DSWD IV-A Bing Vallido, MSWD Administrator Novie Baylen, iba pang konsehal ng Kawit, maging ang presidente ng SK Federation ng bayan.