Masayang ibinalita ng isang opisyal ng Ospital ng Imus na halos lahat ng mga healthworkers na tinamaan ng COVID-19 ay balik trabaho na matapos nilang gumaling nitong Enero 24.
Sa panayam ni Dr. Jennifer Roamar sa TeleRadyo, sinabi niyang halos 90 porsyento na ng kanilang mga empleyado ay nakabalik na.
Ani Roamar, nasa higit 130 sa kanilang mga empleyado ang nagkasakit ng COVID-19.
“Ngayon bumalik na, pinayagan na namin makabalik yung mga elective surgery namin atsaka yung mga OB patients namin, kasi nga, nag-OK na yung staffing ng ospital.”
Samantala, sinabi pa ni Roamar na karamihan sa mga pasyenteng naka-admit sa kanilang ospital ay nagpapakita lamang ng moderate na sintomas.
“Meron din kaming isang severe tapos the rest is moderate, kasi yung severe, ito yung mga walang bakuna kasi na pasyente, pero karamihan naman moderate. Mabilis naman sila maka-recover.”
Ipinaliwanag din ni Roamar ang pagkakaiba ng may bakuna at wala lalo na sa surge ng Omicron.
“Meron man kaming mga pasyente, karamihan is nasa bahay, o mild, so telemedicine, outpatient na lang ang nangyari. Kasi pag wala kang bakuna, wala kang panlaban talaga, o wala kang defense kahit papaano,” aniya.
Samantala, hinihikayat pa rin ni Roamar ang lahat na magpabakuna na kung may pagkakataon. Sa kasalukuyan, nakamit na ng lungsod ng Imus ang herd immunity dahil 85-90% ay nabakunahan na.