Nagpasiklaban ang mga kandidato at kandidata sa Rampa sa Kawit 2024 bilang paggunita sa Pride Month sa Aguinaldo Shrine noong Biyernes, Hunyo 28.
Tinanghal bilang kauna-unahang BahagHARI at SiREYNA sina Jewel Agustino at Lianne Trixie Garcia, at nakuha naman nila Emille Delos Reyes at Angel Sebastian ang 1st-runner up sa nasabing patimpalak.
Matatandaang tuwing buwan ng Hunyo ipinagdidiriwang ang kahusayan at kagitingan ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender, intersex, queer/questioning, asexual o mas kilala bilang LGBTIQA+.
“Maraming salamat sa lahat ng mga kababayan nating nagpakita ng suporta sa layunin nating iangat ang pagkakapantay-pantay sa ating bayan. Muli, taos pusong pagbati sa ating mga kababayang LGBTQIA+ at makakaasa kayo na kasama niyo kami sa patuloy na pangangalaga sa karapatan ng mga Kawiteño,” saad ni Mayor Angelo Aguinaldo sa kanyang Facebook post.
Bukod dito, nagsagawa rin ng libreng HIV screening at pamamahagi ng mga contraceptives at PrEP Pre-exposure Prophylaxis sa Freedom Park.