Isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo na gawing legal ang pagpapasok ng mga ukay-ukay sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis.
Screengrab from Senate Committee on Ways hearing
“Why in the heck tumingin ka kaliwa’t kanan, Luzon, Visayas, Mindanao nagkalat ang ukay-ukay? Ano pong ginagawa ng BOC ba’t nakakalusot itong mga ukay-ukay? Gumala lang po kayo diyan sa mga kanto, sa mga kalye, diyan sa Divisoria, diyan sa Baclaran, kahit saang sulok ngayon marami ng ukay-ukay. Ano ba kayo bulag?” tanong ni Tulfo sa isang kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang pagdinig sa Senate Committee on Ways and Means noong Agosto 16.
“Again, I don’t have any against this people, you know selling ukay-ukay. Probably they want to make money. Wala tayong problema diyan. Ang pinag-uusapan po natin dito ang hindi yata ginagawa ng Bereau of Customs ‘yung kanilang trabaho dahil ‘yung mga ukay-ukay na nasa labas na, nagkalat sa buong Pilipinas eh bakit po hindi sinisita?” dagdag pa ng senador.
Inimungkahi rin ni Tulfo na kausapin ng BOC ang mga mambabatas na magsagawa ng pagbabago sa kasalukuyang umiiral na batas ukol pag-i-import ng mga gamit na damit.
Alinsunod sa Republic Act 4653 na naisabatas pa noong 1966, ipinagbabawal ang pag-i-import ng mga gamit na damit.
“Siguro po it’s about time, kung hindi niyo po kayang pigilan eh pagbayarin na lang po ng buwis itong mga ukay-ukay na ito. Para naman po kumita ang gobyerno kahit papaano kaysa tinutugis niyo naman po ‘yung mga online seller na barya-barya ‘lang po ang kinikita, tinutugis niyo po ‘yung mga vlogger na barya-barya ‘lang po ang kinikita. Samantalang ukay-ukay ang laki pong sindikato nasa likod niyan, oil smuggling etc,” apela ng senador.
Nilinaw ni Tulfo na hindi niya intensyong matanggalan ng trabaho o hanapbuhay ang mga nagtitinda ng ukay-ukay ngunit nais umano niyang patawan ng buwis ang mga supplier na nagpapasok ng mga gamit na damit sa bansa.
“Ang nangyayari kasi Mr. Chair binibili rin kasi nila iyon Mr. Chair eh. They didn’t know na ‘yung pinagbilhan nila eh hindi nagbabayad ng buwis. Samantalang itong mga nagtitinda ng ukay-ukay, maliliit na tindahan ng ukay-ukay nagbabayad po sila ng buwis,” paliwanag ni Tulfo.