Kinumpirma ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City na karamihan sa mga pasyenteng tinamaan ng Monkeypox (Mpox) ay positibo rin sa Human Immunodeficiency Virus (HIV).
“Hindi natin masasabi kung ano talaga ang eksaktong mode of transmission, pero posibleng may kinalaman ito sa kanilang mga aktibidad,” ayon kay SPMC Chief Dr. Ricardo Audan.
Sa 14 na kumpirmado at suspected cases na naitala sa ospital, 11 ang HIV-positive, ayon pa kay Dr. Audan. Dagdag niya, ang pagkakahawa ng dalawang sakit ay maaaring dulot ng high-risk sexual behavior ng mga pasyente.
Paliwanag ng mga eksperto, ang Mpox ay naipapasa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact, intimate contact, at paggamit ng personal na gamit ng infected na indibidwal. Bagaman hindi ito pangunahing airborne, maaari pa rin itong maipasa sa malapitang pag-uusap o paghinga.
Hinikayat ng SPMC ang publiko na agad kumonsulta sa mga health center kung makararanas ng mga sintomas ng Mpox gaya ng lagnat, pamamaga ng kulani, at mga pantal o rashes.
Samantala, ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, tumaas ng 500% ang kaso ng HIV infections sa bansa, na may naitatalang 57 bagong kaso kada araw.