Nilagdaan kamakailan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang Labor Advisory No. 22 alinsunod sa Executive Order No. 7 ni Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa boluntaryong pagsusuot ng face mask.
Photo courtesy of Mikhail Nilov/ Pexels
“This advisory shall cover all workers and workplaces in the private sector,” ayon sa inilathalang advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa kabila nito, pinayuhan ng DOLE na magsuot pa rin ng face masks ang mga matatanda, immunocompromised, hindi pa bakunado, symptomatic, may comorbidities at buntis.
Bukod pa rito, kailangan pa ring magsuot ng face masks sa mga healthcare facilities partikular ang mga clinic, hospital, laboratoryo, nursing homes, at dialysis clinics.
Dagdag pa rito ang mga medical transport vehicles tulad ng mga ambulansya, at paramedic rescue vehicles, gayundin ang mga pampublikong sasakyan.
Ayon pa rin sa nasabing kautusan, kailangang magtulungan ng mga employer at mga manggagawa sa pagsisiguro ng ligtas na kalagayan sa pagtatrabaho alinsunod sa probisyon ng Labor Code at minimum public health standards.
“Employers and their workers may implement a policy requiring the wearing of face masks, taking into account, among others, the hazards and risks (e.g., enclosed space and poor ventilation), industry requirements (e.g., food safety), and incidence of other communicable diseases (e.g., flu and tuberculosis), including measures to address non-compliance thereto pursuant to the existing company policy, rules, and regulations,” saad sa advisory.