Panukalang P150 dagdag-sahod, lusot na sa komite ng Senado

Lusot na sa komite ng Senado ang panukalang P150 dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.

Aprubado na ng Senate Committee on Labor noong Mayo 10 ang panukalang P150 across the board na umento sa sahod sa lahat ng manggagawang Pinoy sa pribadong sektor.

Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri na may akda ng Senate Bill No. 2022 o ang Across-the-board Wage Increase Act, napapanahon nang muling magpasa ng batas hinggil sa umento sa sahod.

“I think it’s about time, we do one-time big time, balik natin ulit sa regional wage boards. It may be a bitter pill, but it’s not so bitter,” saad niya.

Ayon kay Zubiri, noon pang 1989 nang magkaroon ng legislated wage hike sa halagang P89 o bago pa maipasa ang Republic Act 6727 na nagtatatag sa Regional Wage Boards.

Dagdag pa niya: “It will make a big dent on the top 1,000 corporations, I know. But the happiness that you will create, the confidence that you will create, the security of tenure that you will make them feel when you go to work is something that cannot be bought by monetary amounts alone.”

Nangangamba naman ang ilang mga mambabatas at negosyante sa posibleng maging epekto ng panukala sa pagpapatakbo ng mga negosyo.

Suportado ng chairperson ng komite na si Sen. Jinggoy Estrada ang panukala ngunit binigyang-diin niya na kailangang balansehin ang interes ng parehong mga manggagawa at mga employer.

“Basta kakayanin ng mga kapitalista’t business establishments, okay lang sa’min yan. But if it will lead to the closure of the business establishments or if it will lead to the collapse of our economy, I will not allow that,” ani Estrada.

Samantala, inaasahan na ilalabas ang committee report nito sa loob ng dalawang linggo at sisikapin umano ng mga mambabatas na maipapasa ang panukala bago mag-adjourn ang Kongreso sa Hunyo.

[BASAHIN: Umento sa sahod sa Calabarzon, muling isinusulong]

Thumbnail photo made via Canva

Total
0
Shares
Related Posts