Balik-trabaho na si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla matapos sumailim sa isang heart bypass surgery kamakailan na itinuro niyang rason sa likod ng kaniyang 10-day wellness leave.
PressconPresscon
Posted by Department of Justice – Philippines on Wednesday, July 5, 2023
Sa isang media conference noong July 6, ibinahagi ng 62 taong-gulang na kalihim na nakitaan ng bara ang kaniyang puso na kinailangang tanggalin sa pamamagitan ng isang operasyon.
Ani Remulla, hindi niya inasahan ang natuklasan ng kaniyang mga doktor dahil regular naman siyang nag-eehersisyo.
“Hindi ko na alam yan, kasi araw-araw nag-e-exercise po ako. Hindi po ako tumitigil. I exercise every day. I lift weights 4 days a week. I play golf twice a week. Basta, I’m very active,” sabi niya.
Ngunit naniniwala umano si Remulla na maaaring ang 30-taon niyang karanasan sa paninigarilyo ang isa sa mga naging sanhi ng kaniyang kondisyon.
“I smoked for 30 years. I stopped smoking January 5, 2010. So 13 and a half years ago…It’s the cause, sabi sa akin ng doktor, it’s one of the causative factors, major causative factor,” saad niya.
Ipinagpasalamat ni Remulla na naagapan ang kaniyang kondisyon bago pa umano ito mauwi sa komplikasyon.
“Ang swerte ko lang, never ako inaatake or na-stroke. Swerte ko nakita yung bara na pwedeng maging cause.”
Nakalabas umano si Remulla matapos ang limang araw sa ospital at patuloy ngayong sumasailaim sa ‘physical rehabilitation’ upang makabawi ng lakas.
Kasunod ng kaniyang medical procedure, “never” umanong sumagi sa isip ni Sec. Remulla ang pagbitiw sa puwesto.
“I serve at the pleasure of the President. And I will continue to discharge my functions as long as the president believes in my capability to lead the department,” aniya.
Nakausap umano ni Remulla si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na hinimok umano siyang tutukan ang kaniyang kalusugan.
“[S]abi n’ya (Marcos Jr.), unahin ko na to. Unahin ko na yung pagpapagaling ang pagpapalakas para matuloy-tuloy na yung trabahong inilaan para sa departamento sa aking liderato,” kuwento niya.
“He’s very happy that I made the decisions that I did to go through the procedure. And I thanked the president for the trust and confidence in me,” dagdag pa niya.
Nakatakda umanong matapos ang wellness leave ni Remulla sa Lunes o Martes sa susunod na linggo.
Si Remulla ay nakatatandang kapatid ni Cavite Governor Jonvic Remulla. Naupo siya bilang kongresista sa ika-pitong distrito ng probinsya bago maitalagang kalihim ng DOJ.
[RELATED: Ping Remulla proclaimed as Cavite 7th District Congressman]
Thumbnail photo of the official Facebook page of the Department of Justice