Tumaas ang pagbuga ng volcanic sulfur dioxide mula sa Bulkang Taal sa Batangas nitong Huwebes, Hunyo 6, ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Ayon sa ahensiya, nakapagtala ang bulkan ng 11,072 toneladang sulfur dioxide emission bawat araw mula sa Taal main crater.
Dagdag pa rito, posibleng humina ang hangin sa mga susunod na araw na maaaring magdulot ng pagbuo ng “vog” o volcanic smog sa mga kalapit na lugar ng Bulkang Taal.
Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 1 ang babala sa bulkan na nagpapahiwatig na ito ay nasa abnormal na kondisyon pa rin.
Para sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng SO2 ng bulkan, narito ang mga kailangang gawin upang makaiwas dito:
- Iwasan ang mga aktibidad sa labas, manatili sa loob ng bahay, at isara ang mga pinto at bintana upang mapigilan ang pagpasok ng volcanic gas sa tahanan.
- Takpan ang ilong, mas mainam kung gamit ang N95 facemask. Uminom ng maraming tubig upang mabawasan ang anumang iritasyon o paninikip ng lalamunan.
Inaabishuhan rin ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na subaybayan ang pagaalburoto ng bulkan at ang mga panganib na dulot nito.