Photo 1- Bombo Radyo Tuguegarao
Nakapag-develop ang mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Manila ng isang gamot laban sa gout gamit ang pansit-pansitan (Peperomia pellucida), isang halamang likas na tumutubo sa maraming bahagi ng Pilipinas, kabilang ang Cavite.

Sa isinagawang clinical trials, natuklasang bumaba ng hanggang 78% ang uric acid levels ng mga pasyente sa loob ng 49 na araw nang walang naitalang masamang epekto. Dahil dito, nakikita ang potensyal ng halamang ito bilang isang ligtas at epektibong alternatibo sa mga kasalukuyang gamot laban sa gout.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), ang inirerekomendang dosis ay 80 mg/kg/day sa unang dalawang linggo bago ito ibaba sa 40 mg/kg/day upang mapanatili ang bisa ng paggamot.
Ang tagumpay na ito ay isang malaking hakbang sa paggamit ng nasabing halamang gamot at upang makabuo ng mas ligtas at abot-kayang lunas sa mga sakit tulad ng gout, na kadalasang dulot ng mataas na antas ng uric acid sa katawan.
Bukod sa pagiging natural na lunas, ang pansit-pansitan ay madaling matagpuan at mapalago, kaya maaari itong maging mas accessible sa maraming Pilipino, lalo na sa mga hindi kayang bumili ng mamahaling gamot.