Naaresto ng Cavite Police ang 55 kabataang may edad 7 hanggang 15 sa isinagawang “Operasyon Kontra Boga” dahil sa paggamit ng mga improvised na paputok na gawa sa PVC pipe.
Nasamsam sa operasyon ang mahigit 100 piraso ng boga mula sa siyam na bayan at lungsod sa Cavite, kabilang ang Silang, Amadeo, Naic, at Tagaytay.
Mahigpit na ipinagbabawal sa probinsiya ng Cavite ang paggawa at paggamit ng improvised na kanyon. Ang paggamit nito ay itinuturing na mapanganib at isang banta sa kaligtasan ng publiko.
Ang mga nahuli ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Inatasan din ang mga magulang ng mga kabataan na makipagtulungan sa nararapat na hakbang upang maitama ang ganitong mga paglabag.
Patuloy na pinaaalalahanan ng pulisya ang publiko na umiwas sa paggamit ng paputok para sa isang ligtas at mapayapang selebrasyon ng Bagong Taon. Binibigyang-diin din ng mga awtoridad ang kanilang kampanya laban sa mga paputok upang masiguro ang kaligtasan ng komunidad ngayong holiday season.
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa MSWDO, DSWD, at sa mga magulang ng mga menor-de-edad upang tugunan ang isyu at ipatupad ang nararapat na aksyon alinsunod sa batas.