Nagtanghal sa harap ng libu-libong Kawiteño at Caviteño ang mga sikat na rapper na sina Flow G at Al James sa paggunita ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa Aguinaldo Shrine nitong Miyerkules ng gabi.
Dinumog ang kauna-unahang Kalayaan Music Festival na dinaluhan ng Team Puso at Malasakit sa pangunguna ni Mayor Angelo G. Aguinaldo, Konsehala Armie Aguinaldo, at Congressman Jolo Revilla.
Kasama rin sa mga nag-perform sa harap ng 10,000 manonood ang mga banda tulad ng Imago, Moonstar88, at 6cyclemind.
“Matagumpay na pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa Aguinaldo Shrine kasama ang libu-libong Kawiteño at mga Caviteño na nakisaya sa ating kauna-unahang Kalayaan Music Festival. Napakasolid niyo, Unang Distrito,” saad ni Cong. Jolo Revilla sa kanyang post matapos ang libreng concert.
Bago magsimula ang pagtatanghal ay nagkaroon rin ng food bazaar, karnabal, at iba’t ibang bilihin sa labas ng parke para sa mga manonood. Nakilala ang rapper na si Flow G sa grupong Ex-Battalion at pinasikat niya ang mga kantang “Rapstar,” “High Score,” at “Praning.”