Nakapagtapos ng Junior High School sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ang isang 67 anyos na food vendor sa Imus, City.
Kinilala ang food vendor bilang si Pilar Monzon Sarinas mula sa Gov. DM Camerino Integrated School.
Sa Facebook Post ng DepEd Tayo Imus, sinabi ni Pilar na hindi umano naging madali para sa kanya ang proseso ng pag-aaral. Araw-araw ay sulong-sulong niya ang kariton ng kanyang panindang pagkain mula umaga hanggang tanghali.
Pagal man ang katawan sa paghahanap-buhay, pumapasok pa rin si Pilar sa paaralan. Aniya, may mga pagkakataon umanong mahirap unawain ang mga leksyong itinuturo sa kanya ng kaniyang guro. Subalit, ito ay napagtagumpayan niya dahil na rin sa tulong ng dalawa niyang anak na kapwa mga guro rin.
Pinagtiyagaan umano ni Pilar ang kanyang pag-aaral lalo na’t suportado siya ng kanyang mga anak at asawa.
“Mahirap talaga ang sitwasyon. May mga araw na halos sumasakit ang ulo ko. Dahil sa aking katandaan ay hindi na madali para sa akin ang unawain pa ang mga itinuturo ng aming guro, lalo na ang paggawa ng mga portfolio noong nagkaroon ng pandemya. Buti na lang at suportado ako ng aking mga anak.”
“Ang hirap kapag wala, kapag limitado lang ang iyong kaalaman. Bukod sa minamaliit ka ng iba ay hindi mo rin magawang ipagmalaki ang iyong sarili. Maigi na lang at may mga anak akong nakatapos ng pag-aaral na maaari kong takbuhan sa ganoong sitwasyon,” pahayag ni Pilar sa panayam ng DepEd Imus City.
Dagdag pa niya, ang nararanasan niyang diskriminasyon ang nagtulak sa kanyang magpursige sa pag-aaral. Ito ay matapos siyang sabihan na hindi umano siya karapat-dapat sa posisyon sa kanilang organisasyon dahil hindi siya nakapagtapos.
Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit pinagsikapan ni Pilar na makapagtapos. Ito ay upang ipakita sa kanila, higit sa lahat sa kanyang sarili, na kaya niyang magtagumpay sa kabila ng kaniyang katandaan.
Patunay lamang si Pilar na hindi hadlang ang edad sa pagkamit ng mga pangarap.