Iminungkahi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang pagbabawal ng street parking sa mga pampublikong kalsada sa Metro Manila mula 5:00 a.m. hanggang 10:00 p.m. Ito ay tugon sa lumalalang problema ng trapiko.
Samantala, iminungkahi rin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes ang pagbabawal ng side-street parking tuwing rush hour sa umaga at hapon. Ang mga mungkahing ito ay tinalakay sa pulong ng mga alkalde ng Metro Manila kasama ang MMDA, DILG, at Philippine National Police (PNP) noong Agosto 1.
“The law says that public streets are not for private enterprise. And we consider parking a private enterprise. A private car on a public street,” ani Remulla. “So we will now designate them as no parking zones especially in the streets which affect Metro Manila traffic. Magiging bawal na. It’s a modification of what we have now.” dagdag pa ng kalihim.
Bagama’t hindi pa pinal, masusing pinag-aaralan ng Metro Manila Council (MMC) ang naturang panukala. Inaasahan na sa Setyembre 1 ay mailalabas na ang mga panuntunan upang maisakatuparan ito, bilang bahagi ng hakbang para sa mas maayos na daloy ng trapiko sa rehiyon.