Arestado ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang babae na wanted simula pa noong 2018 dahil sa kasong estafa at falsification of public documents.
Ayon kay Police Lieutenant Nadame Malang, tagapagsalita ng PNP-HPG, sangkot ang akusado sa pamemeke ng rehistro ng sasakyan at pagpapalabas ng pekeng dokumento na ibinibigay kasama ng mga kotse.
Lumalabas din sa imbestigasyon na tumatanggap siya ng mga nakaw na sasakyan, pinapalsipika ang mga dokumento, at agad itong ibinebenta sa presyong mas mababa kaysa sa karaniwang halaga. Dahil dito, naniniwala ang mga awtoridad na may kasabwat ang suspek sa mas malawak na operasyon.
“Naniniwala kami na hindi niya kayang gawin nang mag-isa lang. Kailangan i-check natin kung kanino natin isinasanla ang ating mga sasakyan,” pahayag ni Malang.
Nasa kustodiya na ngayon ng PNP-HPG ang babae at patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang kasangkot. Tumanggi muna itong magbigay ng pahayag hinggil sa mga akusasyon.