Photo Credit: Jolo Revilla/Facebook
Pinangunahan ito ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla, kasama sina Congresswoman Lani M. Revilla, Agimat Partylist Representative Bryan Revilla, at Atty. Shawn Capucion mula sa National Secretariat ng BPSF.
Isinagawa ngayong araw ang isang media press conference para sa nalalapit na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa lalawigan ng Cavite, na dadaluhan ng 61 ahensya ng pamahalaan at ito ay gaganapin sa Emilio Aguinaldo Elementary School sa Kawit.
“Maswerte po ang probinsya ng Cavite dahil sa inyong mga lider dito, sina (na) ang team Revilla at iba pang mga congressman ng Cavite,” pahayag ni Capucion sa press conference.
Ang nasabing caravan ay nakatakdang ganapin sa Biyernes, Setyembre 27, at Sabado, Setyembre 28, kung saan inaasahang aabot sa P800 milyon na tulong ang ipapamahagi sa lalawigan ng Cavite.
“Lagi po namin silang nakikita sa tanggapan ni Speaker; nandoon po sila araw-araw, lumalapit at nagpapatulong kay Speaker para makahingi po ng karagdagang pondo, mga karagdagang alokasyon sa iba’t ibang ahensya para maibaba po dito sa probinsya ng Cavite,” dagdag pa ni Capucion.
Inaasahang aabot sa 100,000 benepisyaryo ang matutulungan sa BPSF Cavite, kabilang ang mga serbisyong medikal, tulong pang-agrikultura, at iba pang regulatory services.
“Nagpapasalamat din po tayo sa ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay House Speaker Martin Romualdez dahil napili nilang dito sa Cavite ganapin ang Serbisyo Caravan na ito. Nawa po, sa diwa ng ating aktibong pakikilahok at pagtutulungan, ay maging matagumpay ang #BPSFCavite dahil naniniwala po tayong walang imposible sa nagkakaisang Cavite para sa Bagong Pilipinas,” saad ni Cong. Jolo Revilla sa kanyang Facebook post.
Bukod dito, magkakaroon din ng pamamahagi ng tulong pinansyal at bigas para sa 10,000 benepisyaryo sa Imus City Grandstand, pati na ang pamimigay ng scholarship para sa 5,000 estudyanteng benepisyaryo sa Bacoor Elementary School.