Inihayag ni Kawit, Cavite Mayor Angelo Emilio Aguinaldo ang nalalapit na pagtatayo ng bagong kampus ng Cavite State University (CvSU) sa bayan ng Kawit.
Ayon kay Aguinaldo, ang proyektong ito ay katuwang niya si Congressman Jolo Revilla, na naglalayong magkaloob ng mas abot-kayang edukasyon sa mga kabataang Kawiteño at maging sa mga karatig-lugar.
“Ang lahat ng ito ay bunga ng inyong suporta at tiwala sa amin. Kaya naman, makatitiyak kayo na tanging #RatedTripleA na serbisyo ang aming isusukli sa inyong pagtitiwala,” pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook page.
Maliban sa kampus ng CvSU, nakatakda ring itayo sa kalapit na lugar ang bagong munisipyo at ang Tangulan Arena, na maglalayong mapahusay pa ang serbisyong pampubliko.
Ang pangunahing layunin ng bagong kampus ay ang mapalawak ang pagkakataon na makakuha ng dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang Caviteño, lalo na ang mga residente ng Kawit at mga kalapit na munisipalidad.