Nagbabala na ang Meralco sa kanilang mga konsyumer dahil sa nagbabadyang taas singil sa presyo ng kuryente ngayong buwan ng Nobyembre.
Sa ulat ng ABS-CBN TV Patrol, sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na posible itong mangyari ngunit hindi naman ganoon kataas ang singil sa November bill.
Base sa kanilang anunsyo nitong Miyerkules, madadagdagan ng P0.0844 per kWh ang rate sa kuryente kung saan magiging P9.9472 per kWh ang overall rate ng isang typical household ngayong buwan.
This November, electricity rate is up by Php 0.08/kWh for typical households due to higher generation…
Posted by Meralco on Wednesday, November 9, 2022
Ibig sabihin nito, pwedeng magkaroon ng dagdag P17.00 sa electricity bill kung ang konsyumer ay nagkukonsumo ng 200 kWh sa isang buwan.
Para naman sa mga nakakapagtala ng 300 kWh hanggang 500 kWh kada buwan, pwedeng magkaroon ng dagdag P25 hanggang P42 o mas mataas pa ang kanilang babayaran.
Paliwanag ng Meralco, nangyayari ang pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa mataas na charges ng Power Supply Agreements (PSAs).
Tumaas ang singil ng PSA dahil sa nangyaring maintenance outage ng First Natgas-San Gabriel plant noong Okt. 1 hanggang 14.
Gayunpaman, nabawi ito ng mas mababang singil mula sa mga independent power producer (IPPs) at ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ayon sa Meralco, bumaba ng P0.1520 per kWh ang singil sa mga IPP dahil umano sa “stronger peso” na maraming beses naranasan noong nakaraang buwan.
Thumbnail photo by evening_tao on Freepik