Photo 1- ABS-CBN Online
Patuloy na tumataas ang kaso ng dengue sa probinsya ng Cavite, na umabot na sa 3,379 mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, ayon sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit.
Ayon kay Dr. Nelson Soriano, provincial health officer, mas mataas ito ng 409% kumpara noong nakaraang taon. Pinakamaraming kaso ang naitala sa Imus (501), Bacoor (456), at Dasmariñas (416). Sa buong lalawigan, 33 kaso ang itinuturing na malala, habang walo na ang nasawi.
Nagsasagawa na ng misting at fogging ang mga lokal na pamahalaan. Ayon kay Imus Mayor Alex Advincula, patuloy nilang paiigtingin ang paglaban sa dengue sa tulong ng mamamayan.
Tinatayang mayroong 52,000 dengue cases ang naitala sa unang dalawang buwan ng 2025 at halos lumobo ito ng 64% kumpara noong nakaraang taon, na halos bawat lingo ay may panibagong kaso.
“Nag-convene po kami upang ang mga municipal at City Health Office and every week po ay meron tayong dengue fever surveillance monitoring dashboard. Ang usaping dengue po kasi ay responsibilidad nating lahat at sana po ay huwag nating hintayin na may magka-death pa bago tayo kumilos. Concerted effort po ito ng buong community at sana po ay maituro natin sa community kung ano ang hahanapin, ano ang pupuksain,” saad ni Soriano.