P200 umento sa sahod, inaprubahan ng Kamara

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill No. 11376 na naglalayong magdagdag ng ₱200 sa arawang sahod ng mga minimum wage earners sa pribadong sektor.

Sa botong 171-1 at walang abstensyon, tuluyang pinagtibay nitong Martes ang panukalang batas na kilala bilang Wage Hike for Minimum Wage Worker Act. Kapag tuluyang naisabatas, ang kasalukuyang minimum daily wage na ₱645 ay magiging ₱845—isang malaking hakbang para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

Ang panukala ay isinusulong ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla, na nagpahayag ng pasasalamat sa suporta ng mga kapwa mambabatas.

“Nagpapasalamat po tayo kay House Speaker Martin Romualdez at sa ating mga kasamahan sa Kongreso na nagpahayag ng suporta at tiwala sa hangarin nating paunlarin pa ang labor sector sa bansa,” ani Revilla sa isang Facebook post.

“Nagagawa po nating posible ang mga bagay na ito dahil sa ating pagkakaisa at pakikinig sa tunay na hinaing ng masa. Patuloy po tayong lilikha at magsusulong ng mga batas sa paparating na 20th Congress bilang katuparan ng ating sinumpaang tungkulin bilang Kongresista ng Unang Distrito ng Cavite tungo sa isang mas maunlad at matatag na Bagong Pilipinas,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ang bersyon ng Senado upang maisalang ito sa bicameral conference committee bago tuluyang mapirmahan bilang batas ng Pangulo.

Total
0
Shares
Related Posts