Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng limitadong face to face classes sa 120 pampubliko at pampribadong paaralan sa bansa, ayon sa Malacañang noong Lunes, Setyembre 20.
Sakop nito ang hindi hihigit sa 100 pampublikong paaralan at 20 pampribadong eskwelahan sa mga lugar na nakakategorya bilang “minimal risk” at nakapasa sa “readiness assessment” na tutukuyin ng Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd).
𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 𝗦𝗮 𝗽𝗮𝗴-𝗮𝗽𝗿𝘂𝗯𝗮 𝘀𝗮 𝗽𝗶𝗹𝗼𝘁 𝗶𝗺𝗽𝗹𝗲𝗺𝗲𝗻𝘁𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗹𝗶𝗺𝗶𝘁𝗲𝗱 𝗳𝗮𝗰𝗲-𝘁𝗼-𝗳𝗮𝗰𝗲 𝗰𝗹𝗮𝘀𝘀𝗲𝘀 𝘀𝗮 𝟭𝟮𝟬 𝗻𝗮 𝗺𝗴𝗮…
Posted by DepEd Philippines on Sunday, September 19, 2021
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang face to face na klase ay hindi isasagawa araw-araw kundi “half-day” lamang at “every other week.”
“Ito pa ay hindi lang issue ng edukasyon. Ito po ay issue na rin ng mental health at ekonomiya,” wika ng kalihim.
Sa inaprubahang guidelines, ang klase ng kindergarten ay aabot lamang ng 12 estudyante samantala ang grade 1 hanggang grade 3 naman ay magkakaroon ng 16 na estudyante at tatagal ng hanggang tatlong oras.
Dagdag pa rito, ang technical vocational students sa senior high school ay papayagan ang hanggang 20 estudyante.
Ayon naman kay DepEd Secretary Leonor Briones, hindi pa nila tukoy kung kailan ito sisimulan dahil kinakailangan pang aprubahan ng lokal na pamahalaan ang pagbabalik ng klase sa kani-kanilang mga lugar.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim ng DepEd na kinakailangang magbigay muna ng permiso ang mga magulang o guardian ng mga estudyante na pinapayagan nilang pabalikin ang kanilang mga anak sa eskwelahan.
“The pilot run of limited face-to-face classes is a shared responsibility of the DepEd, Department of Health, with the approval of IATF, and the local government units themselves and the parents. This will be monitored for two months,” pahayag ng kalihim.
Bago pa man aprubahan ang naturang plano para sa pagbabalik ng face to face classes, matatandaang isa ang Pilipinas sa dalawang pinakahuling bansa sa mundo na hindi pa ibinabalik ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan simula noong ideklara ng World Health Organization (WHO) ang pandemya noong buwan ng Marso 2020.
Thumbnail photo by Avel Chuklanov on Unsplash