Tumaas ng 10% ang kinita ng Manila Electric Co. (Meralco) sa unang anim na buwan ng taon, na umabot sa P25.5 bilyon mula sa P23.2 bilyon noong nakaraang taon.
Ayon kay Meralco CFO Betty C. Siy-Yap, umakyat din ang consolidated reported net income sa P23.6 bilyon. Tinukoy ng kumpanya na ang paglago ay bunsod ng matatag na kita mula sa power generation at retail electricity.
Umabot sa 27,091 GWh ang kabuuang energy sales, habang umakyat sa P245.2 bilyon ang revenue. Patuloy din ang pagtaas ng bilang ng customer, na ngayon ay nasa 8.1 milyon.
Sa kabila ng pagbaba ng pass-through charges na nagresulta sa 2% pag-unti ng revenue mula sa power generation at distribution segment na may P130.7 bilyon, patuloy na umuusbong ang kumpanya.
Inihayag rin ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan na kumpiyansa ang kumpanya na malalampasan ang ₱45.1 bilyong consolidated core net income na naitala noong 2024. Inaasahan umano na maaabot ang target na ₱50 bilyon sa pagtatapos ng 2025.
Kasabay nito, patuloy ang pagpapalawak ng Meralco sa kanilang strategic projects. Kabilang sa mga ito ang pagtatayo ng 1,200-megawatt Atimonan Energy Power Plant, na exempted sa national coal moratorium, at ang pagpapatayo ng battery energy storage systems sa Cebu na inaasahang matatapos pagsapit ng 2027.