Muling isasailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal simula Marso 22 hanggang Abril 4, ayon sa IATF.
Ayon pa sa IATF, mananatili naman sa modified general community quarantine (MGCQ) ang mga lugar na hindi nabanggit.
Bukod pa rito, sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque noong Linggo ang mga karagdagang restriksyon na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isinulong ng IATF dahil sa muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.
“Fake news po ‘yong sinasabi na magkakaroon daw tayo ng circuit breaker, hindi po totoo ‘yan. Bagamat ang mga probinsya pong ito kasama ang Metro Manila ay nasa ilalim ng GCQ, meron po tayong mga karagadagang mga restrictions,” pahayag ni Roque.
Aniya, pinagbabawal ang lahat ng mass gathering at ang mga biyahe papasok at palabas ng Metro Manila at mga karatig probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Nilinaw naman niya na pinahihintulutan ang mga authorized persons outside their residence (APORs) na magsagawa ng kanilang mga esensyal na lakad sa mga naturang lugar.
Ang mga authorized persons outside their residence (APORs) ay ang mga:
- Essential Workers
- Health and emergency frontline services personnel
- Government officials and government frontline personnel
- Duly-authorized humanitarian assistance actors
- Persons traveling for medical or humanitarian reasons
- Persons going to the airport for travel abroad
- Anyone crossing zones for work or business and going back home
- ROFs and OFWs
“Unang-una po, bawal po ang pagba-biyahe papunta sa Metro Manila at mga probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, at bawal din po lumabas ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal. Magkakaroon po tayo ng parang bubble dito,” paliwanag ni Roque.
Dagdag pa niya, mananatili sa kasalukuyang kapasidad ang mga pampublikong transportasyon.
Nakapagtala ang Department of Health ng 7,575 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa noong Linggo. Ito ang ikalawa sa pinakamataas na daily tally ng naturang sakit mula pa nang nagsimula ang pandemya noong nakaraang taon.