Muling ipapatupad ng lokal na pamahalaan ng Bacoor ang paggamit ng quarantine pass alinsunod sa muling pagsasailalim ng mga lugar na kabilang sa NCR Plus sa enhanced community quarantine (ECQ).
Base sa Facebook post ng City Government of Bacoor, ipapamahagi ng bawat barangay at mga opisyal ng Homeowners Association (HOA) ang mga quarantine pass.
Kaugnay nito, nagkaroon ng samu’t saring reaksyon ang mga mamamayan dahil nagdulot ito ng kalituhan sa unang inilabas na post ni Cavite Governor Jonvic Remulla na hindi naman umano ito kinakailangan.
Paliwanag ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, “Madami po sa ating mga kababayan ay may kalituhan kung kailangan bang may QPass o wala. Sa pag-uusap namin ni Gov kaugnay ng QPass, sabi ni Gov Jonvic do what is right.”
Pinahihintulutan naman ang ibang mga mamimili mula sa ibang bayan o syudad na papasukin sa mga grocery at supermarket ngunit kailangang ipakita ang ID na may edad ng mamimili.
Dagdag pa rito, tatanggapin lamang sa palengke ang mga mamimili na may quarantine pass na galing sa lungsod ng Bacoor.
Samantala sinabi rin ni Mayor Revilla na tinatayang nasa 962 ang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa syudad noong Marso 27.
“So, do what is right. Be part of the solution and not be the problem. Follow the regulations set by the LGU. We have direct experiences in terms of implementation. So please sumunod na po kayo dahil para na rin ito sa kabutihan ng lahat,” aniya.