Pagkakaisa ang naging tugon ni dating senador at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa katanungan kung bakit kailangan siyang pagkatiwalaan ng taumbayan sa susunod na anim na taon at sa pagtugon sa pag-ahon ng bansa laban sa krisis na dala ng pandemya.
“Hindi magiging madali ang pag-ahon, ang pagbangon mula sa krisis ng pandemya, mula sa krisis ng ekonomiya na dala rin ng pandemya. Kaya naman po ako ay tapat ang aking paniniwala na ang unang hakbang para tayo ay makaharap sa kahit anong hamon ay ang pagkakaisa,” ani Marcos sa debate.
“Kaya ang adhikain ko, ang ipinagsisigaw sa ating kampanya ay ang unang hakbang na kailangang gawin natin hindi lamang sa larangan ng politika kung hindi sa ating lipunan — ‘yon ang pagkakaisa dahil kahit sino naman sa atin ay hindi kayang ayusin lahat itong problemang ito lahat tayo ay nangangailangan ng tulong…Kaya’t ang adhikain ko, ang adhikain ng UNITEAM na aking dala ay ang pagkakaisa,” dagdag pa ni Marcos.
Bukod pa rito, inihayag ni Marcos ang kanyang mga plataporma sa susunod na anim na taon sakaling manalo sa susunod na eleksyon ng bansa.
Ilan sa mga nabanggit ng dating senador ay ang paggawa at pagdagdag ng mga trabaho at negosyo partikular na ng mga mamamayang kabilang sa Small and medium-sized enterprises (SMEs), pagpapatibay sa sektor ng agrikultura, turismo, imprastraktura, at digital infrastructure para sa pagpapalawig ng internet service sa bansa.
Sa usaping foreign policy naman, bukas si Marcos sa pagsali ng bansa sa mga kasunduan at pakikipagdayalogo sa usapin sa seriguridad gaya ng Quadrilateral Security Dialogue o Quad na binubuo ng Amerika, India, Australia, at Japan kung ang Pilipinas ay magbebenipisyo rito.
Pagsusulong ng code of conduct sa ASEAN at China
Sakaling mahalal, isusulong din ni Marcos ang Code of Conduct sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng China at hihingi ng tulong sa United Nations upang maresolba ang sigalot ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ani Marcos, “Siguro naman maipapaliwanag natin sa China na ang mga bangka ay hindi naman military threat ‘yan sa kanila bakit sila maglalagay ng warship doon.”
“The government or the Republic of the Philippines has a presence there to show to China that we are defending what we consider our territorial waters and that is not for them to go here to fire upon the Chinese vessels but merely to make their presence felt so that the Chinese know we are aware of what they are doing, we do not agree with what they are doing,” wika ni Marcos.
Pagsasapubliko ng SALN
Pabor naman ang dating senador sa pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) kung sakaling manalo sa eleksyon.
“Sa issue ng pagbigay ng SALN, ako para sa akin, hindi problema ‘yun. Hindi lang ako nagsusulat ng SALN for the last six years pero kung ako ay maging mapalad sa darating na halalan, natural ay kailangan gagawa ng SALN at ito ay ibibigay ko sa publiko kung hihingin sa akin,” aniya.
“‘Yan ang desisyon ko bilang indibidwal. Sa aking palagay ay hindi na kailangan palitan ang batas at nasa sa bawat opisyal na yan kung sila ba ay handa na ilabas ang kanilang SALN. Sa sarili ko lamang, para maging maliwanag, kapag ako ay susulat muli ng SALN, ito ay gagawin kong public information,” dagdag pa niya.
Usapin sa armed conflict at insurgency
Nagkainitan naman si Marcos at ang katunggali nito sa pagtakbo sa pagkapresidente ng bansa na si Ka Leody De Guzman nang magbigay ito ng pahayag ukol sa mga isyu ng rebelyon sa bansa.
Ani De Guzman, “Tingin ko, walang tao ang gustong lumaban ng armado sa gobyerno na full battle gear, kumpleto ng armas, tangke, lahat-lahat. Pero umaabot sa ganun eh dahil ‘yung kasaysayan ng ating bansa ay puro panunupil at gumagamit ng dahas, pumapatay. Panahon ni Marcos, panahon ni Duterte, kay Gloria, ang daming pinatay! ‘Yung mga tao anong gagawin para magtanggol sa sarili?”
“Kahit anong paliwanag ang gagawin mo, hindi ako maaaring sumang-ayon sa ideolohiya na may kasamang armed struggle para pabagsakin ang gobyerno kahit anuman ang dahilan,” tugon ni Marcos.
Usapin sa kapayapaan
Naniniwala naman ang dating senador na kailangang ituloy ang pagsusulong ng peace talks, Balik-loob program at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagkamit ng kapayapaan sa bansa.
“Sa aking palagay sa puno’t dulo talagang-talaga kailangan nating ipagpatuloy ang peace talks dahil nandyan pa ang problema. Hindi pa natin naaayos ang problema. Kailangan [pa] nating ipagpatuloy ang ating maaaring gawin para ayusin ang problema,” wika ni Marcos.
“Nagsimula ng nasa taas lamang ang nag-uusap ngunit napalitan nga ngayon ang sistema ng peace talks na dinadaan sa local sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at ginagamit nga ang mga LGU officials na alam nila ang sitwasyon doon sa kanilang lugar. At bukod pa roon, kadalasan kilala nila ‘yung mga lumalaban ‘yung tinatawag nila na rebelde. Kaya’t dito sa naging bagong pamamaraan eh marami nang sumama sa balik-loob program, marami na ang natulungan ng NTF-ELCAC kaya’t effective ito kaya ipagpatuloy natin,” saad pa niya.