Muling inihain sa Kamara ang House Bill 203 na naglalayong itaas sa P50,000 ang minimum na sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan sa bansa.
Itinutulak nina ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio at Kabataan Party-list Representative Renee Co ang malaking umento sa suweldo upang matugunan ang araw-araw na pangangailangan ng mga guro.
Iginiit ng mga nagsusulong ng panukala na hindi sapat ang naging pagtaas ng sahod ng mga guro sa ilalim ng nakaraang administrasyon, lalo na kung ihahambing sa kompensasyong natanggap ng mga sundalo at pulis.
Sa kabila ng mga naging amyenda noong 2020 at 2024, nananatiling nasa Salary Grade 11 o may buwanang sahod na P30,024 ang mga pampublikong guro.
Naniniwala ang mga mambabatas na ang panukalang ito ay makatutulong hindi lamang sa kapakanan ng mga guro kundi maging sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa.