Dahil punuan pa rin ang mga ospital at isolation facilities sa Tanza, Cavite, bubuksan ngayong Mayo ang St. Augustine Senior High School bilang isang temporary COVID-19 treatment at monitoring facility para sa mga senior citizens at person with comorbidities.
Inisyatibo ito ng mga Catholic Church leaders sa simbahan ng Tanza sa pakikipagtulungan na rin sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Rev. Fr. Virgilio Mendoza, pumayag umano ang superintendent ng Department of Education na pansamantalang gamitin ang St. Agustine Senior High School bilang temporary facility dahil wala pang face-to-face classes.
“Ang dami-daming cases ng may pneumonia, para nang hospital ang setting [ng isolation facility] ngayon. Wala na kaming choice. Diyan na nagaganap ang gamutan,” pahayag ni Dr. Lani Patacsil ng Department of Health (DOH) Region 4-A.
Sa kabila nito, pahirapan pa rin ang pag-aadmit ng mga COVID-19 patients dahil kulang ang gamit sa mga ospital.
Sa katunayan, mahigit 100 pasyente na umano ang nakapila sa waiting list. May mga insidente ring kung saan binabawian na ng buhay ang mga pasyente bago pa man sila madala sa ospital.