Dinagsa ng libu-libong Caviteño ang Aguinaldo Freedom Park nitong Biyernes para sa engrandeng proclamation rally ng Team Puso at Malasakit.
Pinangunahan ni Kawit Mayoral Candidate Armie Aguinaldo, kasama ang buong Team Puso at Malasakit, ang makasaysayang pagtitipong ito. Naging bahagi rin ng programa ang pangangampanya ng AGIMAT Partylist, sa pangunguna ni Congressman Bryan Revilla at First District Congressman Jolo Revilla.

Sa kanyang emosyonal na talumpati, nagpasalamat si Kawit Mayor Angelo G. Aguinaldo, na tumatakbo bilang bise alkalde, sa tiwalang ibinigay sa kanya ng mga Kawiteño sa loob ng tatlong termino. Tiniyak din niyang magpapatuloy ang programang “Rated Triple A” sa ilalim ng pamumuno ng kanyang ina, Konsehal Armie Aguinaldo.
“Sa mahabang panahon, kayo ang nagsisilbing lakas at inspirasyon namin upang hindi mawalan ng saysay ang pagbangon at pagsisikap nina Mayor Tik at Mayor Angelo para sa ating bayan tungo sa isang Magandang Kawit. Ngayon, sa bagong kabanata ng ating kwento ng Puso at Malasakit, sinamahan ninyo kami hindi lang bilang mga kababayan kundi bilang isang pamilya,” saad ni Konsehal Armie Aguinaldo sa kanyang Facebook post.
Nagbigay ng kasiyahan sa pagtitipon ang batikang rapper na si Andrew E, na inawit ang kanyang sikat na kantang “Andrew Ford Medina.” Samantala, naghandog din ng musika ang bandang Parokya ni Edgar, na nagbigay ng harana sa mga manonood.
Sa isang post, tiniyak ni Cong. Jolo Revilla ang pagpapatuloy ng mahusay at tapat na pamamahala ng kanilang grupo:





“Sinisiguro po namin sa inyo na ipagpapatuloy natin ang mahusay at matapat na pamumuno, dahil ang hangad natin ay maiparamdam sa bawat isa ang tulong at suporta ng pamahalaan. Kaya samahan ninyo po kami sa laban na ito para sa kinabukasan ng bawat Kawiteño at Caviteño!”