Sa gitna ng isyung ibinabato sa kanyang isinulat na librong pambata na “Isang Kaibigan,” nagpahayag si Vice President Sara Duterte ng kanyang saloobin laban sa mga paratang ng plagiarism o pangongopya ng nilalaman.
Ang nasabing aklat na tungkol sa magkaibigang kuwago at loro ay nakapukaw ng atensyon ng marami matapos humiling ng P10-milyong pondo si Duterte para sa distribusyon nito.
Sa kanyang pahayag noong Agosto 21, tinawag ni Duterte na “paninirang-puri” ang mga alegasyon na aniya ay walang batayan.
Binigyang-diin niya na napakadaling sumulat ng maikling kwento batay sa sariling karanasan, at hindi niya kailanman kinailangan mangopya.
“Ang proyekto ay para mahikayat ang mga bata na mahalin ang pagbabasa at sumulat ng sarili nilang kwento,” ani Duterte.
“Hindi ang libro ang problema ng bayan kundi ang kahinaan sa pagbabasa ng ating kabataan,” dagdag pa nito.
Ang kontrobersya ay umugong pa nang lumitaw sa social media ang umano’y pagkakapareho ng kanyang isinulat sa serye ng mga libro na may pamagat na “Owly,” na likha ng Amerikanong manunulat na si Andy Runton.
Ang seryeng ito ay may tauhan din na isang kuwago, na naging dahilan para paratangan na ang akda ni Duterte ay maaaring hango sa orihinal na bersiyon ng kwento ni Runton.
Sa kabila ng mga isyung ito, inihayag din ni Vice President na siya ay magsusulat ng isa pang libro na umano’y “tungkol sa pagtataksil ng isang kaibigan,” na tila tugon sa mga kumakalat na ispekulasyon at puna sa kanyang naunang aklat.
Thumbnail photo courtesy Inday Sara Duterte | FB