17 anyos na teenpreneur, kumikita ng P5,000 a day sa kaniyang Kangkong business

Pupulutin sa Kangkungan ba ‘ka mo?

Kinabibiliban ngayon ang 17-anyos na estudyante mula sa Mendez, Cavite matapos niyang kumita ng P5,000 kada araw sa kaniyang kangkong chips business.

Photo courtesy by Josh Mojica

Sa panayam kasama ang Philstar, ibinahagi ni Josh Mojica ang kaniyang naging diskarte at inspirasyon para maabot ito.

Naisipan umano niyang gawing negosyo ang Crispy Kangkong Chips noong Mayo 2021. Subalit, itinuloy lamang niya ito upang tulungan ang kaniyang mga magulang sa gastusin matapos pumanaw ang kaniyang lolo noong Hunyo.

Photo courtesy by Josh Mojica

“Nagsimula po ako magluto mag-isa, nagpaturo po ako sa Tita ko. Una po, nakalagay lang siya sa rice box meal. Nasasarapan po sila, may nagrerepeat order na po,” wika ni Mojica.

Bitbit ang P3,000 na puhunan, pinagsikapan ni Mojica na palaguin ang kaniyang negosyo.

“Gumigising na po ako nang maaga, 6 AM mag-isa lang po ako. May nagdi-dip, may nagpiprito, ako din po ‘yun lahat,” dagdag pa niya.

Matapos makatanggap ng maraming order, alam na ni Mojica na hindi niya ito kayang mag-isa. Kinausap niya ang kaniyang pinsan na tulungan siya sa kaniyang negosyo, hanggang sa maisama na rin ang kaniyang mga kaibigan.

“Lahat din po sila nag-aaral pa. Pero nabigyan ko po sila ng opportunity para po kumita ngayong pandemic,” kwento ni Mojica.

Photo courtesy by Josh Mojica

Sa kabila ng pagiging abala sa trabaho, nagkakaroon pa rin ng oras si Mojica para sa kaniyang pag-aaral.

“Sa hapon po nakabantay po ako, tinutulungan ko sila. Tapos sa gabi po ako nagsa-start magsagot ng mga module.”

Nag-aaral si Mojica bilang isang Senior High School student sa Saint Augustine School-Mendez.

Photo courtesy by Josh Mojica

Sa kasalukuyan, mayroon nang Crispy Kakong resellers sa Cavite at Pasay ay ang kaniyang produkto ay umabot na rin sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas maging sa ibang bansa.

Binabalak din ng binata na magkaroon ng pop-up stores sa mga mall upang makapagbigay ng maraming oportunidad sa mga kagaya niyang teenager para makatulong ito sa kani-kanilang pamilya.

“Yun din po ang goal ko, gusto ko po na yung mga tambay kong tropa, ay mabigyan ko nung ganun po [trabaho] para matuwa po ang parents nila.”

Total
1
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts