Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 1446 o ang “One-Month Tax Holiday of 2025” bilang tugon sa umano’y katiwalian sa multi-bilyong pisong flood control projects sa bansa.
Layunin ng panukalang batas na ito na magbigay ng agarang ginhawa sa mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng isang buwang exemption sa income tax, kasabay ng pagsisikap na maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan matapos ang mga isyung kinakaharap nito.
Ayon kay Tulfo, sakop ng panukala ang mga empleyadong tumatanggap ng compensation income, kung saan magiging tax-free ang isang buwang sahod nila sa unang payroll month matapos maaprubahan ang batas. Samantala, para sa mga mixed-income earners, tanging bahagi lamang ng sahod na classified bilang compensation income ang exempted sa buwis.
Nilinaw rin ng senador na hindi kasama sa tax holiday ang mga mandatoryong kontribusyon gaya ng GSIS, SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, at iba pang bayarin o loan amortizations. Ipinatupad din sa panukala ang “non-diminution clause” upang matiyak na hindi babawasan ng mga employer ang sahod ng mga empleyado habang umiiral ang tax holiday.
“The exposure of alleged anomalies on flood control projects, involving billions of pesos in public funds have gravely eroded public trust in government fiscal stewardship. The Filipino people have raised a clear and resounding clamor, ‘Ibalik ang pera ng bayan. Ibaba ang tax,” pahayag ni Tulfo.
Sa pamamagitan ng One-Month Tax Holiday of 2025, hangad ni Senator Tulfo na mabigyan ng gantimpala ang mga tapat na nagbabayad ng buwis, habang ipinapakita rin ng pamahalaan ang malasakit at katarungan sa gitna ng mga isyung bumabalot sa paggamit ng pondo ng bayan.