Bigo mang masungkit ang ginto, buong pagmamalaki pa rin nag-uwi ng medalya ang Filipina boxer na si Aira Villegas sa unang pagsabak nito sa Olympics na ginanap sa Paris.
Ang 29-taong gulang na boksingera ay nagwagi ng bronze matapos mabigong talunin ang pambato ng Turkey sa Women’s 50 kg na si Buse Naz Çakıroğlu ng Turkey via unanimous decision.
Sa first round, nabilangan si Villegas ng standing eight counts matapos tumama ang kanang kamay ng kalaban sa ulo nito.
Sinikap naman ni Villegas na bumawi sa round two at napatumba si Buse Naz ngunit nagpasya ang referee na hindi ito counted sa pagpabor ng limang hurado.
Sa third round ng laban, nagpursigi pa rin siya na makalamang sa kalaban ngunit sadyang malakas si Buse Naz kaysa sa kanya.
Sa huli, nanalo si Buse Naz via unanimous decision sa score na 30-27, 30-26, 30-27, 30-27, 30-26.
“Sa lahat ng mga kababayan po natin, thank you so much po. Ginawa ko po ang lahat ng aking makakaya, pero hindi pa po binigay. Pero ayun po, may medalya po tayong iuuwi,” ayon sa boksingera sa isang panayam matapos ang kanyang laban.
Matatandaan na nakaharap na rin ni Villegas si Buse Naz sa World Boxing Championships noong 2022, kunsaan natalo rin siya nito.
Sa kanila nito, nagbigay ng pagbati ang Philippine Sports Commission (PSC) kay Villegas sa tagumpay at karangalan na ibinigay nito sa bansa.
Ang nakuhang bronze medal ni Villegas ay ang ikatlong medalya ng Pilipinas sa Paris Olympics matapos mapanalunan ni Carlos Yulo dalawang gold medals sa artistic gymnastic.
Sa nangyari, nagpahayag na ng layunin ang boksingera para sa kanyang karera at ito ang muling pagbalik sa Summer Games sa 2028 sa Los Angeles, kung saan nagnanais siyang makamit ang mas mataas na posisyon sa podium.
Thumbnail photo courtesy One Sports | FB