Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagde-deploy ng Automated Counting Machines (ACMs) para sa darating na midterm elections sa Mayo 12, 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nasa 3,700 ACMs na ang naipadala mula sa poll hub sa Biñan, Laguna patungo sa mga hub sa Iligan City, Kidapawan City, at Zamboanga City.
Target ng Comelec na makumpleto ang deployment bago ang final testing and sealing ng mga voting machine, na nakatakda anim na araw bago ang eleksyon. Kabuuang 110,000 ACMs, kabilang ang mga contingency machine, ang ihahanda para sa botohan.
“As of today, 47,000 of 110,000 machines have been pre-lat, tested. Hopefully, it will be finished by April 20,” ani Garcia.
Bilang paghahanda sa mga posibleng aberya sa araw ng halalan, tiniyak ng COMELEC na mayroong sapat na technical support na nakahanda sa buong bansa. Bukod dito, mayroon ding 110 repair hubs na itinalaga sa iba’t ibang rehiyon upang agad na matugunan ang anumang teknikal na isyu na maaaring lumitaw sa mga ACM sa araw ng halalan.