Naaresto sa Noveleta, Cavite ang isang 23-anyos na lalaki na tinaguriang “Crypto King” dahil sa pagkakasangkot sa isang multi-million-peso cryptocurrency scam. Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR), ang suspek ay dati nang naaresto noong 2023 dahil sa kasong estafa ngunit nakalaya matapos makapagpiyansa.
Sa isang press conference, sinabi ni Col. Marlon Quimno, hepe ng CIDG-NCR, na muling inaresto ang suspek matapos maglabas ng mga bagong warrant of arrest ang mga korte sa Makati at Parañaque. Ipinahayag din ni Col. Quimno na maliban sa cryptocurrency scam, ginagamit umano ng suspek ang pera ng mga biktima sa mga casino.
“It was not just a simple cryptocurrency scam. He is also using the money in casinos. He would entice victims and then he would not return the money. This is a big case,” ani Quimno. Kabilang sa mga biktima ng suspek ang ilang media personalities, pulis, at mga empleyado ng gobyerno.
Kasama sa mga kasong kinakaharap ng suspek ang large-scale estafa, na isang non-bailable offense. Pinayuhan ni Col. Quimno ang publiko na maging maingat sa mga investment schemes na nag-aalok ng napakalaking tubo.
“A promise of big return for a big sum of investment, say two-fold or three-fold, is too good to be true. There is no such legitimate business. It’s more likely to be a scam,” dagdag ni Quimno.
Patuloy ang imbestigasyon upang tiyakin ang hustisya para sa mga biktima ng scam.