Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko ukol sa kumakalat na “COVID-19 vaccination exemption cards” na maaari umanong gamitin ng mga hindi pa bakunado sa stay at home orders, pagsakay ng mga pampublikong transportasyon at iba pang pribilehiyo.
“The public is warned that there is no such thing as a ‘vaccination exemption card.’ This is not authorized, issued, nor recognized by the government. In other words, these are fake,” ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa isang statement.
Nagbigay ng abiso ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga mamayan na huwag maniniwala sa kumakalat na COVID-19 vaccination exemption cards
Ayon kay Malaya, nakatanggap ang DILG ng mga report na ang mga naturang vaccination exemption cards ay ibinebenta online.
“Malaking kalokohan ito. Hinding-hindi mag-iisyu ng exemption ang pamahalaan kanino man (maliban na lang for medical reasons) dahil ang gusto nga natin ay mabakunahan na ang lahat bilang proteksyon laban sa iba’t ibang COVID-19 variants,” aniya.
Dagdag pa ng kalihim, ““Nakakagalit na ayaw na nga nating magpabakuna ay pinapaniwala pa natin ang iba na puwede silang ma-exempt. Marami na pong nabiktima at namatay sa COVID-19. Ang bakuna ang nakasalba sa maraming tao sa mundo.”
Ani Malaya, kahalintulad ng mga pekeng exemption cards ang ilang COVID-19 vaccination cards na inilalabas ng mga LGU.
“Nananawagan tayo sa publiko na huwag magpapaniwala sa mga taong nagpapakalat ng “COVID-19 vax exemption cards.” Wala pong gano’n at peke po iyon. Agad magreport sa mga awtoridad kung merong ganitong insidente sa inyong mga lugar,” aniya.
Nanawagan rin ang kalihim na maging mabusisi umano ang awtoridad sa pagsasagawa ng mga inspeksyon sa bawat probinsya at rehiyon upang masigurong hindi malulusutan ng mga hindi pa nababakunahan.