Nabigo ang mga awtoridad na arestuhin ang isang wanted person sa Barangay Buena Lejos 1, Indang, Cavite, matapos matuklasan na matagal na itong pumanaw.
Ayon sa ulat, nagtungo ang warrant section ng Indang Police Station sa nabanggit na barangay upang isilbi ang warrant of arrest laban sa akusado na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang warrant na ito ay inisyu ni RTC Branch 15 Cavite Presiding Judge Lerio C. Castigador.
Sa halip na matagpuan ang akusado, sinalubong sila ng mga kaanak nito na nagpakita ng death certificate bilang patunay na matagal nang pumanaw ang hinahanap na indibidwal. Ayon sa mga kaanak, ang akusado ay namatay ilang taon na ang nakalilipas at nailibing na sa isang lokal na sementeryo sa Cavite.
Nabatid din na inirekomenda ng korte ang P120,000 bilang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado bago pa man matuklasan ang kanyang pagkamatay.