Ipinatutupad na ng Department of Transportation (DOTr) ang bagong taripa para sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), na nagsimula noong Abril 2, 2025. Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang maayos na operasyon ng tren at matiyak ang pagpapatuloy ng Cavite rail extension project.

Sa ilalim ng bagong sistema ng pamasahe, ang minimum fare para sa single-journey tickets ay nasa P20 na (mula sa dating P15), habang ang maximum fare naman ay P55 na (mula sa dating P45). Ayon sa DOTr, matagal nang kailangang maisaayos ang pamasahe upang mapanatili ang pinansyal na katatagan ng operasyon at masuportahan ang mga kinakailangang pagpapabuti sa serbisyo.
Gayunpaman, tinutulan ito ng ilang commuter groups na nagpahayag ng pagkabahala. Ayon sa kanila, dagdag pasanin ito lalo na sa mga araw-araw na mananakay, kasabay pa ng pagtaas ng iba pang mga gastusin.
Ipinaliwanag naman ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na ang dagdag-singil ay kinakailangan upang maiwasan ang pagkaantala sa mga proyekto, partikular na sa Cavite extension, at upang mapanatili ang kalidad ng serbisyo ng LRT-1.
Ayon kay LRMC CEO Enrico Benipayo, mula pa noong 2015 ay isang beses pa lamang naaprubahan ang kanilang kahilingan para sa taas-pasahe. “Assuming no fare increase will be granted until 2028, LRMC is projecting a total of P4.9 billion in fare deficit for the next three years, bringing the total fare deficit to P7 billion,” ani Benipayo.
Bagama’t hati ang opinyon ng publiko, iginiit ng DOTr at LRMC na ang pagsasaayos ng pamasahe ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos, ligtas, at maaasahang serbisyo ng pampublikong transportasyon.
Photo via: DOTR/Facebook