Umarangkada sa Cavite City ang Provincial Scholarship Program para sa mga estudyante ng Cavite State University – Cavite City Campus (CvSU-CCC) noong Hulyo 18, sa Caridad, Montano Hall.
Layunin ng programa na bigyan ng educational aids ang mga estudyante na magagamit nila sa kanilang pag-aaral.
Ayon sa Office of Student Affairs and Services ng paaralan, higit-kumulang 2,126 ang recipients ng financial assistance na may halagang 2,000 piso.
Ang distribusyon ng financial assistance ay pinangunahan ni Cavite Governor Jonvic Remulla na nagpahayag ng kaniyang hangarin para sa mga mag-aaral at sa Cavite.
“Kaya asahan n’yo, we will continue to invest in Cavite State University like we are investing in the province.”
Dumalo rin sa nasabing programa sina Cavite City Mayor Denver Chua, Vice Mayor Releigh Rusit, at mga konsehal na nagpakita ng suporta at nagbigay ng mensahe sa libo-libong estudyante at magulang.
Nagpaabot si Prof. Maria Cristina J. Baesa, campus administrator ng CvSU-CCC, ng kanyang munting hiling sa gobernador na covered path walk at 20 units ng smart TVs na magagamit ng mahigit 3,000 estudyante sa pasukan.
Taos-puso namang nagpasalamat ang mga iskolar at magulang sa Provincial Scholarship Program na kanilang natanggap.
Nagkakahalaga ng 30 milyon ang budget sa programang ito ng lalawigan na pinaghatian ng tatlong satellite campuses ng CvSU, kabilang ang Imus at Rosario.
Thumbnail photo courtesy of Ragel Ramos / The GHGP