Nanawagan si Cavite 1st District Representative Jolo Revilla ng mabilis na aksyon mula sa Kongreso upang aprubahan ang mga panukalang batas na tutugon sa dumaraming bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 2.27 milyon ang bilang ng unemployed Filipinos noong Hulyo.
Kabilang sa kanyang isinusulong ang House Bill 2985, na layong gawing permanente ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa ilalim ng TUPAD, binibigyan ng pansamantalang trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay sa pamamagitan ng community projects tulad ng street sweeping, canal declogging, tree planting, at minor infrastructure repairs.
Dagdag pa rito, itinutulak din ni Revilla ang House Bill 481 o ang Barangay Skilled Workers Registry. Layunin nitong makabuo ng isang database ng mga skilled workers tulad ng karpintero, tubero, elektrisista, at mananahi upang mas mapabilis ang job matching sa bawat komunidad.