Resibo mula LTO pansamantalang ipapagamit bilang driver’s license

Ipapagamit muna ang mga papel na driver’s license sa mga taong kumuha nito sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa kakulangan ng suplay ng plastic cards.

Pansamantalang ipapagamit bilang lisensya ang mga resibong ibinibigay ng LTO sa mga kumuha ng driver’s license dahil sa kakulangan ng plastic cards upang makagawa nito.

Photo via Land Transportation Office/Facebook

Ayon sa LTO, inatasan nila ang ang mga regional at district office na gamitin muna ang official receipt bilang pansamantalang driver’s license sakaling maubos na ang suplay ng mga plastic cards.

“Inaatasan din ang mga regional director ng LTO na magkaroon ng re-allocation ng suplay ng plastic cards sa kanilang mga nasasakupan kung kinakailangan,” pahayag ng ahensya.

Dagdag pa ng ahensya, hinihintay pa nila na matapos ang pagproseso ng procurement ng plastic cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr) kung kaya’t mananatili muna ang kanilang pansamantalang panuntunan.

“Sa sandaling magbigay na ng abiso ang DOTr na mayruon nang suplay ng plastic cards, agad na naming pasisimulan ang pag-iimprenta ng driver’s license,” wika ni LTO Chief Jose Arturo Tugade batay sa ulat ng ahensya.

Saad pa ng LTO, nasa 147,522 na lamang ang plastic cards na magagamit upang makapag-imprenta ng driver’s license na posibleng abutin na lamang ng hanggang katapusan ngayong buwan ng Abril.

“Kaya po agad na rin pong gumawa ng hakbang ang LTO para matugunan ang inaasahang kakapusan na ito. Nakipagpulong na rin ang LTO sa mga law enforcer tulad ng PNP Highway Patrol Group upang maipabatid sa kanila na kung manghuhuli ng mga lumalabag sa batas-trapiko ay tanggapin na rin kung OR lamang ang ipapakita ng motorista,” ani Tugade.

Total
0
Shares
Related Posts