COVID-19 vaccination rollout sa Bacoor sinimulan na

Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Bacoor ang pagsasagawa ng unang vaccination rollout sa lungsod.
Binakunahan ni Bacoor City Health Officer Dr. Ivy Yrastorza si Southern Tagalog Regional Hospital Director Ephraim Rubiano. Photo via City Government of Bacoor Facebook post

BACOOR CITY­­­, Cavite – Sinimulan na ang kauna-unahang vaccination program sa 114 healthcare workers na isinagawa sa Southern Tagalog Regional Hospital (STRH) sa lungsod ng Bacoor noong Marso 10.

Ang mga naturang healthcare workers ay binakunahan ng CoronaVac vaccines na mula Sinovac.

Ang CoronaVac vaccines na mula Sinovac ang unang dumating na mga bakuna sa lungsod. Photo via City Government of Bacoor Facebook post

Kaugnay nito, pinangunahan ni Department of Health (DOH) Regional IV-A Director Dr. Eduardo Janairo kasama si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, Cong. Strike Revilla, STRH Director Ephraim Rubiano, at Bacoor City Health Officer Ivy Yrastorza ang pagsasagawa ng naturang vaccination rollout sa lungsod.

“Ang mga Bacooreño ay nagpapasalamat sa ating Pangulo, President Rodrigo Roa Duterte, sa ating vaccine czar Secretary Carlito Galvez at DOH Secretary Francisco Duque dahil nabigyan ng mga bakuna kontra COVID-19 ang Lungsod ng Bacoor. Salamat dahil naumpisahan na ang ating vaccination sa ating mga health care workers,” ani Mayor Revilla sa isang Facebook post ng City Government of Bacoor.

Naniniwala si Mayor Lani Mercado-Revilla na magiging matagumpay ang naturang vaccination program sa lungsod. Photo via City Government of Bacoor Facebook post

Dagdag ni Mayor Revilla, uunahin ng pamahalaang lokal ng Bacoor na mabakunahan ang 2, 200 healthcare workers at iba pang frontliners na nagtatrabaho sa mga public at private hospital habang nagsisimula na sa survey at pre-registration ng mga nais magpabakuna sa mga barangay.

Nagpapasalamat naman si Cong. Revilla na mapalad na nakasama ang mga healthworkers ng lungsod na mababakunahan sa kabila ng kakapusan ng supply ng bakuna sa bansa.

Samantala hinikayat naman ni Yrastorza ang mga kapwa niya healthworkers at mga mamamayan ng Bacoor na makiisa at makilahok sa naturang vacinnation rollout ng lungsod.

Nagpabakuna rin si Bacoor City Health Officer Ivy Yrastorza. Photo via City Government of Bacoor Facebook post

“Okay ako…wala akong nararamdamang kahit anong pamimigat ng kamay or ng braso, pagkahilo. Wala naman. Alam po namin, naiintindihan po namin na yung iba po sa inyo ay natatakot, nagdududa sa bakuna pero ito po ay ligtas. Ito po ay syempre hindi naman po ibibigay sa atin kung hindi po ito ligtas at makakasama sa ating lahat,” aniya. “Ang pagbabakuna po ay isa na ring mabisang paraan para tuluyan na po tayong maproteksyunan at eventually matapos na po itong pandemyang ito. Kaya tara na, magpabakuna na po tayo,” pagpapatapos ni Yrastorza.

Total
0
Shares
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Posts