Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang indibidwal matapos masamsam ang tinatayang PHP12 milyong halaga ng umano’y ipinagbabawal na vape products sa isang operasyon sa Barangay Molino 3 noong Oktubre 9.
Kinilala ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II ang mga suspek na sina Dante, 34, at Juliana, 21. Nahuli ang dalawa sa aktong nagbebenta ng mga vape na may labag na flavors at naglalaman umano ng mga sangkap na nakalalason at nakaaadik.
Narekober ng mga operatiba ang iba’t ibang uri ng vape device at vape juice na nagtataglay ng mga ipinagbabawal na kemikal. Tinatayang aabot sa PHP12 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto.
Ayon kay Morico, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng CIDG laban sa bentahan at paggamit ng mga ilegal at mapanganib na vape products, kasabay ng pagprotekta sa kalusugan ng publiko, lalo na ng kabataan.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga produktong ito at ang iba pang sangkot sa ilegal na operasyon.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, na naglalayong tiyakin ang ligtas at tamang paggamit ng mga vape products alinsunod sa batas.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa sa koordinasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Food and Drug Administration (FDA), na parehong nagsusuri sa kalidad at legalidad ng mga produktong vape na ibinebenta sa merkado.